Biyernes, Hulyo 29, 2011

Second Class Language?

Kung titignan mo ang mga tao sa Pilipinas ngayon, hiwa-hiwalay na tayo. May grupo ng mayayaman, grupo ng mamahihirap, grupo ng mga straight, grupo ng gays, at sa gays syempre kasama na dun yung mga tibo. At eto pa ang pinakamasaklap, mga nagtatagalog at mga "conio." Pero kung tatanungin mo sila kung anong lahi nila, eh puro naman mga Pilipino.

Dati hindi ko ma-express kung ano ba ang problema sa pag-i-english. Alam ko yung problema kaso hindi ko ma-express sa mga salita. Pero dahil sa isang tao na nagsabi sakin, alam ko na ngayon kung pano i-express sa mga salita. Gaya nga ng sabi ko sa Colonial Mentality, wala naman masamang mag-english eh. Ang masama lang ngayon, ang english ang ginagamit na language para mang-mata ng ibang tao. Sabi nga sa isang kupal na teleserye na nakalimutan ko na yung title kasi hindi ko hilig manood ng mga palabas na hindi pinag-isipan, "Don't stoop down to their level." At kapag may mga nagbabangayan sa Facebook, ano ang ginagamit para magmuka silang edukado? English din. Tangina kahit mag-english kapa kung papatulan mo yang mga troll sa internet eh hindi ka naiiba sa kanila. 

Bitter ba ko sa mga conio? Hindi rin. Actually hindi ako fluent, pero nakakausap ko naman ng maayos yung mga pinsan ko sa London ng hindi nauutal. Hindi na nga tayo sakop ng America pero ang utak parin natin colonial. Sa high school naaalala ko, pag nagsalita ka ng tagalog bayad piso. Magbabayad ka ng piso dahil lang nagsalita ka gamit ang pambansang wika. Sabi nila magagamit daw yun paglaki. Ahh, kaya pala pag laki ng mga bata eh gusto nilang pumuntang america at dun magtrabaho at para narin magkaron sila ng "american eksunt." Tayo ang sumisira sa sarili nating bansa. Kaya konti nalang ngayon ang mga makabayan. Kasi cool mag-english eh. Pag nagtagalog ka, wala baduy ka, olats. Pag nag-ibang bansa ka, astig ka na agad.

Hindi nila naisip, sino bang nilalait nila, diba sarili rin nila? Kasi Pilipino tayo eh. Hindi natin mababago ang lahi natin kahit ilang taon pa tayong magburo sa ibang bansa. Kaya ayan tuloy, English ang naging first class language sa "Pilipinas" habang ang Filipino naman ang naging second class language. Kung yan ang isip mo, ibig sabihin pumapayag ka na mas mataas na klase ng tao ang mga kano at tayo eh inferior lang. May nagsabi nga sakin, mayayabang tayo sa isa't-isa pero wala tayong yabang sa ibang bansa.

Martes, Hulyo 26, 2011

PNoy's SONA 2011

"Itigil na po natin ang paghihilahan pababa... Tuldukan na po natin ang pagiging utak alimango."
  -PNoy


July 25, 2011, ang pangalawang SONA ni PNoy. Kung ikukumpara mo ang SONA ni PNoy sa ratings niya, hindi magkatugma. Bakit nga ba? Siguro kasi hindi katulad ni dating Pangulong Arroyo, hindi niya pinapaskil sa buong bansa ang muka niya sa mga poster at banner. Maraming magagandang nasabi si PNoy pero ang pinakagusto ko sa mga sinabi niya ay ang tungkol sa mga Pilipinong hindi marunong pumuri sa Pilipinas. Eto nanaman ang utak kolonyal.

Pero kung iisipin mo, marami nga bang nagawa si PNoy sa unang taon ng pamumuno niya? Kung iisipin mong mabuti ang SONA niya, parang mas marami siyang sinabi tungkol sa mga maling nagawa ng dating administrasyon kesa sa kalagayan ng bansa. Ang naaalala ko lang sa mga sinabi niya na kalagayan ng bansa eh ang pagtaas ng stocks at pagbaba ng 5% sa mga nagugutom na pamilya.Yung iba eh tungkol na sa mga overpriced na second hand helicopters at mga nabulok na kanin na imported. Kaya nga State of The Nation eh. Ginawa ang SONA para malaman ng mga tao ang kalagayan ng ating bansa. Oo, ating bansa kasi ang Republika ng Pilipinas lang ang may SONA. Ang konsepto daw na ito ay nanggaling kay Andres Bonifacio ng magtalumpati siya ng Kalagayan ng Katipunan o ang State of the Katipunan or SOKA(parang Datu Puti lang ah).

Gaya ng sabi ko, parang konti lang ang sinabi ni PNoy tungkol sa kalagayan ng bansa. Kaya siguro nag-rally ang mga aktibistang Fil-Am sa New York kasi hindi rin sila kuntento sa mga pinagsasabi ni PNoy sa SONA niya. Pero bakit nga ba konti lang? Meron kaya siyang tinatago? Ayaw niya sigurong sabihin ang totoong kalagayan ng bansa. Pero siguro yung mga bagay lang na gusto nating marinig ang mga sinabi niya, hindi na niya sinama ang bad news. Kung sabagay, sino bang may gusto ng bad news?

Hindi ko sinasabing mali si PNoy, ang totoo pa niyan eh natutuwa ako kasi kahit konti naman eh nagkakaron ng improvements sa ating bansa. At least wala pa naman siyang pinapakitang ugaling corrupt or kung sa kanya eh "ugaling wang-wang." Kung makabayan ka katulad ko, mararamdaman mo rin ang pride sa pagiging isang Pilipino na tumataas pati na rin ang morale dahil sa SONA ni PNoy.

Martes, Hulyo 12, 2011

60 kph Speed Limit in Metro Manila

Sabi ng MMDA eh nabawasan daw ng 24% ang bilang ng aksidente sa Commonwealth Avenue simula ng ipatupad yung 60 kph speed limit. Mabuti naman kung totoo nga yung sinasabi nila. Pero eto, sabi naman ni QC Reperesentative Winston Castelo, ipatupad na daw ito sa buong Metro Manila. Teka lang, nakadaan na kaya siya sa EspaƱa? Kasi sa pagkakaalam ko, hindi na kailangan ng 60 kph speed limit dahil mabagal na talaga ang takbo ng mga sasakyan dahil sa traffic. Hindi lang naman dahil sa bilis ng takbo ng sasakyan kaya naaaksidente yung mga tao eh. Dahil din yan sa mga walang disiplinang mga motorista.

Ayon sa bill na pinapasa ni QC Rep. Winston Castelo, kakailanganin daw ng 100 Million para makabili ng mga gamit para sa bill. Ahh kaya naman pala eh. Kick back nanaman. Pero okay lang yun. Hindi pa ba tayo sanay? Kahit nga harap-harapan tayong niloloko ng mga yan eh wala naman tayong ginagawa. Siguro may ginagawa nga tayo pero pagkaraan lang ng mga ilang buwan eh nakalimutan na agad natin yung ginawa ng mga corrupt na officials na yan. Parang walang nangyari.

Bakit hindi sila magfocus sa paghuli ng mga walang disiplina at loko-lokong mga driver? Yang mga driver na kung saan saan lang nagbababa. Lalo na yang mga malalaking bus na perwisyo talaga ng daan. Kaya nga merong Loading and Unloading Zone eh. At minsan pa, pag nakikitang nag-orange yung traffic light eh lalong bibilisan. Basketball ba 'to at kelangan laging buzzer beater? O baka naman hindi lang ako informed na ang ibig sabihin na pala ng orange na traffic light eh "Speed Up" imbis na "Slow Down". Siguro slow lang talaga ang mga driver nato o kaya sana eh natatae na at nagmamadaling magpunta sa banyo.

Marunong kaya silang magbasa? Pero pano sila nagkaron ng lisensya kung hindi sila marunong magbasa at magsulat? Ah ewan, basta ang mabuting gawin sa mga gagong yan eh hulihin at wag na ulit bigyan ng lisensya kung hindi talaga maitatak sa kokote nila na meron tayong "Traffic Rules." Hindi ako mahilig sa politika pero sana wag sila pasa ng pasa ng mga batas na hindi naman din nasusunod,

Sabado, Hulyo 2, 2011

Philippines vs China

Matagal ng usap-usapan ngayon ang tumataas na tension between Philippines at China dahil sa Spratly. Sinasabi ng Pilipinas na sa kanila dapat 'yon. Sabi naman ng China sa kanila dapat. Alam kong alam mo na pero sasabihin ko pa rin. Hindi lang Philippines at China ang umaangkin sa Spratly Islands. Kasama rin sa umaangkin eh ang mga bansang Vietnam, Brunei, Malaysia, at Taiwan.

Sabi ng iba i-boycott daw ang China products. Pero isipin natin, kaya na ba natin mabuhay ng walang Chinese products? Baka hindi niyo alam na isa sa major partner ng Philippines sa Trading Industry eh China. Bago pa man ipanganak ang kanunu-nunuan mo eh nagbabarter exchange na ang mga Pinoy at Intsik. Sige i-boycott natin para wala tayong makain. Alam mo ba na nag invest ang Chinese ng bilyon-bilyong dolyar para makapagpatanim ng crops dito sa Pilipinas?

"Ano bang meron sa Spratly Islands?". Yan siguro yung nasa isip mo. Alam mo na siguro na maraming isda ang Spratly Islands diba? Ok lang din kung hindi mo alam. Sanay na ko diyan eh. Pero hindi isda ang totoong pinagtatalunan diyan. Ang pinakamahalagang resource ng Spratly Islands ay ang langis. Syempre kasama narin ang teritoryo at turismo. Isipin natin, kung mapapasatin yung langis, madaling uunlad ang Pilipinas. Kasi langis lang naman ang nagpapatakbo sa mundo. Pero ano bang magagawa natin?

Dadaanin sa giyera? Wag na tayong umasa diyan. Umaasa kaya sila na mangyayari din sa kanila yung kwento ni David and Goliath? Maging realistic tayo. Ano tutulungan tayo ng America? Sabi nga Clinton "The United States does not take sides on territorial disputes over land features in the South China Sea, but we oppose the use of force or the threat of force to advance the claims of any party". Dahil sa sinabi niya, nahalata tuloy na takot din ang America sa China. Pero normal lang naman ang matakot sa China eh. Hindi ko lang talaga alam kung anong sininghot ng Department of National Defense o DND at gusto nilang pumalag sa China. Sino ba ang nagsulat ng The Art of War na pinag-aaralan ng militar? Si Sun Tzu lang naman na intsik. Kaya papunta palang tayo at ang America, pabalik na ang China. Ang pag-asa nalang talaga natin eh kung papayag ang China at ang iba pang nagcclaim ng Spratly Islands na maghati-hati nalang.